Sa aking mga kasamahang blogger ipagpatawad po ninyo kung sa aking pagsulat na ito makapagbitaw ako ng mga salitang hindi tama sa panlasa ninyo. Nais ko lamang maging makatotohananan sa aking nadadama kalungkutan at pagkagalit sa naganap na kawalanghiyaan sa aking mahal na classmate at sa mga walang awang at buhong na mga salarin na gumawa nito sa kanya at kanyang asawa.
Saan ba nag-umpisa ang pag-uugnay sa atin. Second year tayo noon, kalilipat ko lang mula sa ibang paaralan. Pilipino class, panitikan at tayo ang nakatuwaang ipagpareha ng teacher natin sa isang kuwento mula sa Hiyas Ng Lahi. Kuwento ng UnaNg Pag-Ibig. Ako yong lalaking mahiyain at sa tuwing makikita ang kanyanag iniibig ay "nauumid ang dila" at "walang tigil ang kabog at dagundong ng puso". Ikaw naman yong babaeng aking nililiyag. Simula noon tayo na ang naging loveteam ng ating section. Laging tinutukso, laing kinakantyawan. Ewan ko kung napipikon ka noon pero magkahalong saya at hiya ang nadadama ko sa tuwing tayo ay tutuksuhin. Sabi pa nga nila kaya ganoon daw ang ngalan ng botika namin yon daw ay hango sa ngalan nating dalawa. Ang unang ngalan ay sa akin at ang MER ay hango sa ngalan mo. Kakatuwa alalahanin ang mga panahong yon. Magpagayunpaman hindi tayo nagkmayroon ng tunay na pagkakataon na ipakita kung ano ang tunay nating nadadama sa isa't isa.
Noong Third Year nagkahiwalay tayo ng section ngunit patuloy pa rin ang biruan sa atin, bagamat marami akong ibang mga nagugustuhan noon at ikaw naman ay maraming mga tagahanga hindi lamang sa batch natin maging sa ibang batch. Ewan ko kung nagkamayroon ka ng kasintahan sa kanila ngunit sa tingin ko ay wala sapagkat imahe ka ng isang dalagang pilipina mayumi at konserbatibo.
Muli tayong naging magclassmate noong fourth year at muli na namang nabuhay ang init ng tuksuhan. Ngunit ako naman noon ay may ibang nililiyag at sa iyo rin ay maraming manliligaw na umaaligid. Siguro dahil sa mga tuksuhang ito kaya madalas iniiwasan natin ang isa't isa pero alam ko na malapit ang puso ko sa iyo at ganoon ka rin sa akin sapagkat tuwing nagtatama ang ating mga mata nadadama ko na may galak kang nadadama at ganyun din ako. Hindi ko makalimutan ng ako ay lapitan mo at sabihang paghusayan ko dahil ako ay kasali sa contest. alam mo ba first time mo lang na kusang lumapit sa akin at hindi mo ininitindi tuksuhan ng ating mga kaeskwela naging inspirasyon ko yon bagamat ang puso ko ay bihag ng iba.
Pagkatapos ng highschool tayo ay nagkahiwalay-hiwalay. Pero tandang-tanda pa rin ng ating mga kaeskwela na basta binabanggit ang ngalan ko ikakabit na nila ang ngalan mo. Patuloy ang loveteam bagamat di na tayo nagkikita at hindi man tayo naging tunay na magkasintahan. I have fond memories of you and among our classmates ikaw ang isa sa pinakamalapit sa puso ko.
Dumaan ang mga araw may kanya-kanya na tayong pamilya. Alam ko na taga Laguna ang napangasawa mo at ang akala ko may tindahan kayo ng damit sa ating bayan. Pinaiimbitahan kita sa reunion natin noong isang taon pero hindi ka nakarating. Kelan ba kita huling nakita siguro mga more than a decade ago. Gusto ko sanang muli tayong magkaugnay-ugnay, magkakaeskwela at batchmate pero hindi pinalad na tayo ay magkatagpo.
Hanggang magulantang na lang ako sa balita ni Mareng Oyette. Ikaw raw at ang iyong asawa ay walang awang hinold-up at pinatay sa Laguna. Hindi ako makapaniwala. Lumong-lumo ako magkahalong lungkot at poot ang aking nadadama dahil sa kahayupang ginawa sa inyo ng mga hayop na walang budhing salarin. 'Tang ina nila, bakit ikaw na isang napakabait, at modelong ina at asawa, pinatay nila ng walang kalalaban, hangad lang naman nila ay pera. Pati iyong asawa at isang security guard kasamang pinaslang. Paano na ngayon ang inyong mga anak, na kinuha na nila ang haligi ng tahanan isanama pa rin nila ang ilaw ng tahanan. Nagngangalit ang aking bagang sa katarantanduhang ginawa sa yo, mahal kong classmate. Kung kinuha lang nila ang yaman may patawad pa silang matatamo ngunit ang kunin ang buhay ng 3 katao yan ay isang karumaldumal na gawaing walang kapatawaran. Masahol pa pinakamasahol na hayop ang mga gumawa ng kapalastanganang ito. Buhay pa sila kaluluwa nila ay pinagpipiyestahan na sa impiyerno. Knowing how inefficient our police on this cases, napakaraming kasong hindi nasosolve, sana naman hindi maging kasama ang kaso sa mga unsolved cases. Sana hustisya ay makamit para sa iyong pamilya at sa iba pang kasama mong pinaslang.
Ayaw kong magpadala sa lungkot at poot kaya lang hindi ko kayang mapigilan ang silakbo ng aking damdamin. Hanggang ngayon nababanaag ko pa ang iyong maamong mukha, ang ngiting mong mapanghalina, ang tinig mong makakapagpalambot ng taong may matigas na puso, ang kabaitan mo at kahinhinan isa kang larawan ng tunay na dalagang pilipina. Dito ko na lang ikaw pilit gugunitain, sa aking alaala, mananatili kang si Merlita, mahal kong classmate, pinipitagan at higit pa sa kapatid kung itinuring. Sana maging tahimik ka kung saan ka man naroroon, alam kong magkasama kayo ng iyong asawa, hindi naghiwalay at hindi maghihiwalay magpakalaypaman. At sa inyong mga anak lakip ko ang taos pusong pakikiramay at panalangin na sana sila ay gabayan at huwag pabayaan ng Poong Maykapal na marating nila ang magandang buhay at kapalaran na nais ninyong sa kanila ay ibigay.
Paalam, classmate at may isa pa palang sikretong akong sa yo ay hindi nabanggit. Noong kris kringle natin noong hayskul tayo, hindi talaga ikaw ang aking nabunot nakipagpalit lang ako kasi gusto kong mapalapit sa iyo dahil hindi ko man nasabi sa iyo naging crush din kita. Naalala ko pa ang tuksuhan noong ireveal na ang isa't-isa at ang regalo ko ay may kalakip na panyo. Sabi nila gusto raw kitang paiyakin. Ngunit ngayon napatunayan ko na mali sila, sapagkat ako pala at maging sila ang iyong paiiyakin dahil sa daglian mong paglaho.Paalam classmate, kapatid, kaibigan hinding-hindi ka namin makakalimutan. Paalam, Merlita!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
11 comments:
Nalungkot ako sa post mo fafa, ang galing ng pagkakasulat mo. Nakakatusok ng puso. Ramdam ko ang awa at galit mo sa pangyayaring ito. Ito yung mga oras na gusto mong itama ang mali pero wala kang magawa kundi ang magdasal.
Gayunpaman, nakikiramay ako sa mga naulila ng mahal mong classmate at sana magkaroon ng hustisya ang nangyari sa kanila.
we know that these things happen... but knowing that it happened to someone we know, hurts more...
may ka batch din ako ng namatay a few months back due to robbery too. wawa talaga, he left behind 2 year old twins and a pregnant wife.
Nakakalungkot naman fafa. Masyadong masakit nga namn ang ganyang gunita, lalot ang sangkot ay ang taong malapit sau. Masakit isipin pero totoo, na ang lalong nagpapahirap sa ating kalooban ay ang patuloy na pamamayagpag, pananagumpay ng inhustisya...
sana dumating ang panahon na maitama ang lahat, maghari ang hustisya, at makapagpatawad tayo sa gayon...
fafa, ako'y kaisa mo sa pagnanais ng katahimikan, sana nga sa lalong madaling panahon ay ma-solve na ang kasong iyan...
ang aking pakikiramay din sa mga naiwan ni merlita...
-DOPS
ohigh
im praying for her soul's repose and including her husband's. Let God do the rightful on the suspects.
Mang Atoy, kakalungkot naman :( naawa ako sa naiwang mga anak nila :( Sana ma solve ang kasong yan.
Hope each of you had a good day and will have an extra special weekend.
fafatoy, ok lang na inilabas mo ang hinanakit dito sa blog. mas makakagaan ng kalooban mo yan.
Let's just pray for their (3) souls and pray for their childrens future.
Nakakalungkot naman, ako po ay nakikiramay sa mga naulila.
God bless!
naiyak na naman ako fafa! at NAGHIHIMAGSIK ang kalooban ko. Muli na namang dumugo ang sugat sa puso ko.
Alam ko ang nadarama mo ngayon dahil naranasan ko na rin iyan. Kapatid ng kaibigan ko, ganyan din ang nangyari, hinoldap tapos walang awa rin pinagsasaksak! Ang mas masakit wala man lang tumulong sa kanya...pinabayaang maubusan ng dugo sa daan. He was just 19 years old.
Sino ang tunay na salarin??? Hindi natin dapat ibuhos ang lahat ng galit sa mga taong kumakapit sa patalim dala ng kahirapan. Hindi rin maiiwasang paulit-ulit na mangyayari ito sa ating bayan. Ang ugat ng lahat ng ito ay alam nating lahat. Kung paano at kailan masusugpo ang suliranin ay tanging Diyos na lang ang nakakaalam sapagkat wala na tayong dapat asahan sinuman ang may kapangyarihan at tungkulin upang mabago ang takbo ng buhay nating mga Piipino.
Ipagpaumanhin mo sana fafa na ako'y "nagwala" dito sa bahay mo.
Mahaba pa sana ang sasabihin ko, di ko na mahagilap ang tamang salita para ibigkas ang nasa saloobin ko ...
Ako ay lubos na nakikiramay sa mga naulila ng mga kaibigan mo.
They may rest in peace.
nalungkot ako sa post mong ito atoy. Sana ay mahuli ang salarin at mahatulan.
May their souls rest in peace
:(
may they have peace....
GOD bless their children... kawawa naman sila...
ka atoy, di na bago ang nakakalungkot na sinapit ng kababata, classamte at crush mo nun highschool. ganun pa man akoy nalulugkot pa din dahil sa paulit ulit na kaganapan ngang nangyayari dito sa atin.
hay... naway lahat tayoy laging magsipag ingat sa araw araw... masa madami pa ngang mabangis na hayop ngayon sa kumunidad kaysa sa bulubundukin.
Post a Comment